Thursday, September 27, 2007

Isang pagpupugay kay DR. JOSE L. TABAGO, PhD Agricultural Engineering, Oklahoma State University, 1983

Nais kong isalaysay ang ilang natatanging kabanata, bilang mag-aaral ng CLSU, tumutukoy sa panahon at asignatura na BS Agricultural Engineering - Batch 1985.

Sa aming ika-lima at huling baitang sa kolehiyo, araling taon 1984-85, unang pagkakataon naming nakilala si Dr. Jose L. Tabago, na noon ay sariwang-sariwa pa galing sa katatapos na pagpapakadalubhasa sa Oklahoma State University.

Hindi ako maaring magkamali sa ngalan ng bansang pinanggalingan nya, dahil iyon ay tunog kowboy, na agad kong inihambing sa impluensiya ng kanyang pananamit at tindig, na siyang tumambad na kawangis niya nung unang araw ng oryentasyon sa klase, kung saan siya ang aming magiging guro sa Soil and Water Conservaton Engineering. Matipuno at tuwid ang kanyang tindig, naka-pailalim ang pang-itaas na damit, nakasinturon na may malaking bakal, lumalagatak ang takong ng sapatos na katad na parang bota. Minsan nagsusuot din ng sombrero tulad nung sa mamang nakasakay sa kabayo habang humihitit ng sigarilyong Marlboro. Hindi ba’t ganyan ang dating ng magiting na kowboy?

At saka noon, pag napupunta ako ng Maynila, nadadaanan ko sa Taft Avenue ang mga sikat na lugar na kumukuti-kutitap sa gabi, may malalaking pangalan na Oklahoma, Arizona at Dakota. Ewan ko ba, basta nun ipakilala nya ang kanyang sarili at pinanggalingan na Oklahoma, biglang lumipad isip ko sa isa pang Oklahoma na nasa Taft nga.

Pero hayaan muna natin ang usaping kowboy na yan at di naman talaga yan ang pakay ng aking salaysay. Nais ko lang bigyan daan ang aking sariling opinyon, na sabihin ang mga bagay na nasilip ko ng mga panahong yun na may kaugnayan sa: kabutihan, kagalingan, kasipagan, at kadakilaan ni Dr. Jose L. Tabago.

Si Dr. Jose L. Tabago ang nagdala ng kauna-unahang kompyuter sa College of Engineering.

Si Dr. Jose L. Tabago ang nagmulat sa Batch namin ng tuwirang pagkilos para sa pangangalaga ng kalikasan.

Ngayun, i-isa-isahin ko na kung bakit at papano nangyari:

Sa panahong 1984, wala pa masyado sa kamalayan ng mga mag-aaral ng CLSU ang tungkol sa personal computer. Si Dr. J.L. Tabago, bitbit ang dating gamit na kompyuter sa OSU, o sige, Oklahoma State University na nga. Buong giting na ipinagmamalaki niya sa harap ng buong klase ang kagilagilalas na kapangyariyan ng kanyang komputer sa bilis mag proseso ng mga letra at numero. Isinalarawan ni Doc na sa pamamagitan ng diskit ng komputer, maitatago mo dun ang maraming aralin na kung susulatin ay katumbas ng isang baol na papel na kaybigat bit-bitin. Nagbabala pa siya na ingatan ang diskit dahil puedeng nakawin ang mga datus sa loob nito sa pamamagitan ng pagsipi sa isa pang diskit sa ilang pindutan lang.

Napapanganga kami lahat. Ang hawak lang naming kompyuter ng panahong iyon ay casio calculator. Feeling nga namin mas hi-tech na panahon namin kumpara sa mga alumni na naging mga instructor na rin namin. Sila yun mga nagsipaggamit pa ng sliding rule, at itago na lang natin sila sa mga pangalang, Dr. Ireneo at Melissa Agulto, JV dela Cruz, Romeo Gavino, Nestor Candelaria, Arman Espino, Tito Aguinaldo, Ed Cayabyab, Francis Cuaresma, Benjie Gargabite, Emmanuel Sicat, James Mata, at Theody Sayco.

Isang hapon, tumatagaktak ng alinsangan sa tindi ng init ng araw, napatapat ako sa engineering faculty room, natanaw mula sa kinatatayuan ko, isang sulok sa gawi pa roon, may isang munting silid, aba!, naka air-conditioned na pala ito, nasa gitna ng ibabaw ng lamesa nakaupo ang kamangha-manghang CPU na may sukat, humigit kumulang, sa taas na 5, lapad 15, haba 17 na pulgadas, kung saan, nakapatong din ang Monitor na nakasindi, at tila nagliliyab ang mga letrang kulay luntian sa background na itim. Naisip ko, talagang napakaselan ng kalagayan ng kompyuter na ito na nagmula pa sa OSU. Kailangan pala ang malamig na kapaligiran habang gumagana ito.

Paglampas ko sa Faculty room, napatapat naman ako sa Drawing Room kung saan mas malamang na makita mo si Prof. Avelino Reyes. Sa gitna ng kanyang klase, nagtama ang sulok ng mga mata namin ng roomate kong ilocano, tumatagaktak sa pawis, sumenyas pa sakin ang nguso, “napudot!“.

Kinaumagahan, muling nasulyapan ko ang mahiwagang kompyuter. Nakapatay ang aircon, nakapatay din ang kompyuter. Pero, nakatalukbong ang kompyuter. Parang nanibugho ang pakiramdam ko. Naalala ko tuloy ang nakaraang gabi, kung saan napuyat ako ng husto, di makatulog dahil sa pesteng lamok. Ala kasi akong talokbong, este, kulambo.

Ibinida pa ni Dr. J.L. Tabago, gusto daw i-trade-in nung kumpare nya yung stainless jeep nito, kapalit ng kompyuter nya. No deal! Hindi man lang sya natinag o nasilaw sa stainless Jeep na sikat na sikat noon. Parang kulang nalang magpalatak si Doc ng salitang: “ano ko bale?“ , pero wala yan sa lengguahe o karakter ni Doc. Isa siyang kapitag-pitagang personalidad.

Nung panahong iyon ay wala pang computer subject, subalit, si Dr. J. L. Tabago ay nagpasimuno sa pagmumulat sa mag-aaral ng usaping kompyuter. Makalipas ang ilang buwan, dumating ang maraming kompyuter sa CLSU para gamitin ng Cashier’s Office. Naalala kong dinala niya kami doon sa gusaling administrasyon at pina-pindot ng tigkakapiranggot.

Mataas ang moral namin sa bagong karanasan, kung kaya’t nagtatag agad kami ng samahan ng mga mag-aaral na nais mabansagang makabago at makakompyuter ang adhikain. Tinawag namin ang samahan na “Bits & Bytes Club“. Ang unang pangulo namin ay si Noel Bigyan at ako yata yung pangalawang pangulo. Siyempre pa, si Dr. J. L. Tabago ang kauna-unahang Taga-Payo. Kagulat-gulat ang dami ng aplikante noon. Sa isang iglap, talo pa namin sa dami ng miyembro ang ibang samahang Frat na halos kalahating dekada nang nananatili sa loob ng CLSU. Ang pagkaka-alam ko, buhay pa ang Bits & Bytes Club sa CLSU. Ang hindi nila alam, buhay pa rin kami na nagsipagtatag nun.

Ngayun ko napagmuni-muni, ang laki na ng agwat ng uri ng kompyuter noon at ngayun.

Palagay ko nga, baka ang ninunong kompyuter na yun, di pa makapagpatakbo ng maayos sa spreadsheet program na supercalc or multiplan. Ha ha ha ha ha! Nagagamit lang yata yun sa Wordstar. Ha ha ha ha ha! Ang motherboard nun nasa kilobyte pa lang ang memory. Ha ha ha ha ha!

Ang mga halakhak na yan ay hindi isang panunuya, bagkos ay diwang aliw na aliw sa abang simulain ng kompyuter sa CLSU. Hindi man lang nabawasan ang pagkilala ko sa dakilang simulain na sinindihan ni Dr. Jose L. Tabago. Sa ganang akin, hindi mahalaga kung sino ang naka-imbento ng mag-wheels. Higit na may pabuya ang nakatuklas ng paggamit ng gulong. Ngayon, ang kamalayan ng mga taga CLSU sa kompyuter ay higit nang naglalagablab.

Susunod… ang pagiging makakalikasan ni Dr. J. L. Tabago. Abangan.

http://caramoan-kanvar.blogspot.com

2 comments:

Anonymous said...

I know the blog already, but I was so shocked when I opened the link from google.com! The loud music in it made CRAZY becoz I was using a laptop (with a max volume).! I didn't know.I was in the office with all the officemates and of course the BIG Boss. Yeah it made me panic..Whew.! Anyway, I enjoyed reading the blog again just after the Boss' left out. -CLSU Alumnus

Anonymous said...

Well said.