Thursday, March 17, 2011

BYAHE NA

Bukas, Viernes, ika 18 ng Marso, 2011. Sasama ako sa byahing Bikol.

Wala namang tunay na sadya, gusto ko lang makipaghuntahan sa mga pasahero habang nasa daan.

Kapag nandun na rin lang sa Bikol, binisitahin ko ang organic farming at organic piggery raising dun ng isang pinsanin. Kakatay ng mailap na manok. Mamimili ng katutubong bigas na binayo.

Isabay ko na rin ang pangangampanya na maibahagi ang teknolohiya ng walang kamatayang Rice Husk Gasifier ni Alexis Belonio.

At higit sa lahat kaya gusto ko magliwaliw, ay kailan pa nga ba natin ito gagawin, pag tayo ba ay mukhang hukluban na?

Makinig ka Idol Bongget!

Friday, March 11, 2011

TSUNAMI SA AKING BAYAN

March 11, 2011, Intensity 8.9 yumanig sa bansang Hapon.

Agad kasunod ang tsunami na rumagasa sa pamayanan. Linukuban ang kalsada at namayaning pansamantala ang karagatan.

Naalarma ang sanlibutan, kanya-kanyang sagap ng balita sa internet.

Sinilip ko ang mapa ng Pilipinas na inilatag ng GMA7news para sa babala ng nakaambang kasunod na epekto ng malakas na lindol, ang pagsalasa ng Tsunami.

Nakita ko ang kulay pulang pananda sa bandang hilagang silangan, at ito ang mga kostales na pamayanan ng Pilipinas na kasama sa prediksyong nakatambad sa panganib ng Tsunami.

Ang kanang bahagi ng mukha ng mapa ng Pilipinas ay siyangang hilagang-silangan.

Mula sa taas ang Cagayan, kalagitnaan ang Quezon, Camarines at Samar, at sa ibaba nito ay ang probinsiya ng Surigao at Davao Del Sur.

Ito ang kabuoang nakatalang tatamaan ng nakaambang panganib sa loob ng ilang minuto na lamang nung araw na yaon.

Bumalik sa aking gunita ang dekada 70, sa pangyayaring sumapit ang lagim sa ilang isla sa aming bayan dala ng Tidal Wave. Nahintakutang nagsilikas ang mga tao tungo sa taas ng kabundukan. Ang iba ay nakaligtas sa pamamagitan ng pag-akyat sa mga puno ng niyog.

Dahil sa ala-alang iyon, napagtanto kong itong bukambibig na Tsunami ngayun, ay sya ring Tidal Wave noon. At natiyak kong gayon nga ayon sa Encarta Dictionary.

Agad kong tinawagan ang malalapit na kaibigan upang ibahagi ang mga paalala at paghahanda ayon sa babalang napulot ko sa malawakan at kasalukuyang oras na balita sa Internet.

Salamat na lamang at lihis, ligtas at payapang lumipas ang minuto, oras at araw na di na nagpakita ang Tidal Wave o Tsunami.

Magsisilbing talaan ng panahon na lamang ang blog na ito.

At kinaumagahan, kinumusta ko ang aking mga kabarangay.

Masayahing ang mga tao sa aming nayon. Tipikal na sinaunang buhay. Sa kanang bahagi ng karsada ay bulubundukin at sa kanan ay ang matandang ilog na aming pinaglulunoyan ng walang sawang kaligayahan sa paglalangoy.

Mabuti naman at mulat na rin sila sa mga sariwang balita. Natuto na ring maghanda sa panahon ng nakaambang kalamidad.

Ang mga antigong matatanda ay natuto na ring sumunod na lang sa agos at payo ng mga bata.

Subalit me mga salbahe ring namang mga bata. Ito yun mga kabataang hindi kasali sa nabanggit ni Gat Jose Rizal na " kabataang pag-asa ng Bayan".

Ang mga dyaske kasi, pinagtatakot ng husto ang mga matatanda. Sinabi nila na mas malaki at mataas ang Tsunami kaysa sa Tidal Wave. At ang Tsunaming ito ay manggagaling lang sa karatig na ilog sa kanilang bakuran.