Thursday, September 11, 2008

Ang Unang Araw Ko Sa GK

Gusto kong itala ang araw ng Setyembre 7, 2008, bilang unang araw ng pagyapak ko sa loob ng komunidad ng matagal ko nang naririnig at namamasdan lamang, ang Gawad Kalinga.


At pinasasalamatan ko ang mga kaibigang Tanny Valencia, aking kabayan, sa pagtapik at kay Amang Roxas, ng Cauayan, Isabela, sa pag-udyok sa akin na kumilos na at tuwirang makilahok sa Gawain.


Dumating ako sa isang pook na kasalukuyang tinatayuan ng helira ng kabahayan at itinala ang aking pangalan bilang laborer, alas 8:25 ng umaga. Sana ay napabilang ako sa hanay ng skilled workers, ngunit sa pagkakataong iyon, natuklasan kong wala naman pala akong kagalingan sa sarili, maliban sa trabahong pawis lang ang puhunan.


Kumuha ng pala at nakihalubilo na sa karamihang mga babae at ilang lalaki sa pagpapatag ng tinambak na lupa. Sa unang mga sigwada ay masigla ang bawat kadyot ng pala at kalaunan ay pahinto-hinto na.


Habang nasa kasagsagan ng pagbabanat ng buto, at sa manaka-nakang pag-unat ng katawan para mamunas ng pawis, lumilipad ang aking isipan sa maraming angulo ng pagmumuni-muni sa katotohanan at kabalintunaan ng aking buhay.


Una, na under-estimate ko ang gawain, ni hindi ako nagdala ng tuwalyeta o bihisan man lamang, pano, akala ko, pa-bandying-bandying lang ang gawain. Ginawa kong pamunas ang laylayan ng aking t-shirt, ang magkabilang manggas at hanggang halos pigain ko habang nakasuot ang t-shirt na mugmog na sa tagaktak ng pawis.


Matagal nang panahon pala na di ko na naranasan ang ganong pagpapagal ng katawan, ang marumihan ng lupa ang mga kamay at ang halos umaagos na pagpatak ng pawis. Naka-inom na ako ng halos apat na basong tubig, ngunit di man lang ako makaramdam ng pag-iihi. Maganda nga ang nangyari, naitulak palabas ang mga toxins sa katawan ko sa pamamagitan ng pagpapawis.


Nang mga oras na yon ay napagtanto ko na sa pagkakataong hubad din ako, ay higit na angat pa sa akin ang higit na maralitang tao. Tanging kakarampot na lakas lang ang napapakinabangan sakin, at kapos pa nga dahil nakikita kung higit na maliksi at masigasig pa ang ilang kababaihan, isang paalala nang di mapasubaliang katotohanan, na tumantanda na rin tayo. At wala rin garantiyang itatagal ang aking maninipis na palad. Naninibago talaga na dati’y ballpen ang hawak, ngayun ay pala at piko, katumbas ng tila dalampung ballpen na sabay-sabay na hahawakan.


Tumunog ang batingting. hudyat ng recess. Sa saglit na oras na ito, sumingit ang pagpupulong at nakinig ako sa tinatawag na values formation. Naramdaman ko rin ang mabubuting layunin at pagmamalasakit na itinatanim sa puso ng mga tao. Doon ko rin naisip na sa gitna ng naturang katipunan - ng maka-Dios at maka-taong hangarin, kakaripas ng takbo papalayo ang demonyo sa pagkakataong iyon. Alam ko yon bilang isang ahenteng mangangalakal, malabong makabenta sa inaakalang suki na alam mong walang pera, ganun din yun para sa kampon ng kasamaan, wala siyang mahihita sa kanyang panunukso sa mga taong walang iniisip at ginagawang kasamaan.


Sa pagbabalik puesto, tila bumigat na ang pakiramdam ko sa pagkakahawak ko sa bitbit na pala. Maigting na lalo ang sikat ng araw. Pala dito, pala dun, pala, pala, pala at palinga-linga na rin sa orasan. Parang gusto ko nang pihitin ang isang daliri ng orasan at itapat sa alas dose. Tuluyan na ngang sumuko ang aking lakas, dyes minutos bago mag- tigil trabaho sa pananghalian.


Nag time-out na ako. Half day lang ang puntos ng aking pagpapapatak ng pawis. Sa maaga kong pag retiro, hindi nangangahulugan ng pagtatapos ng aking karanasan sa gawain ng Gawad Kalinga. Alam ko, babalik ako sa bawat magandang pagkakataon para mag-alay ng pawis.


Pagdating sa bahay, lupaypay akong sumadlak sa sofa. Di ko na nagawang tanggalin ang trentas ng aking putikang gomang sapatos. Pinahila ko na lang ito sa aking esposa. Lupaypay man ang katawan, ngunit nag-uumalab naman ang aking maliit na kaligayahang natuklasan at sumibol sa puso. Napakasarap ng pakiramdam maging isang payak na katauhan sa gitna ng naghihikahos na lipunan. Isang pagpapala sa walang nakakakilala (blessed anonymity) ang aking naramdaman. Di na rin nagkakalayo sa pakiramdam ng isang pananagumpay. Kung ganun naman pala, bakit ko pa hahabulin ang tagumpay sa pamamagitan ng pagkamit ng kapangyarihan (power), katanyagan (fame) at kayamanan (fortune), kung magiging kumplikadong higit ang aking buhay?

No comments: