Sunday, September 14, 2008

Muling Sabak sa Gawain ng GK

Paparating pa lang ako ay iniisip ko na kung ano kaya ang daratnan kong trabaho na angkop sakin. Kaya't nung abot tanaw ko na ang project site, napansin ko agad na wala na ang gawain ng pagpapatag, tulad nung gawain nung nakaraang linggo, ang pinakasimpleng pagkilos na di-nangangailangan ng pulso at kasanayan. Napabuntonghininga ako, nangingibabaw kasi sakin ang pagkakaroon ng kaba sa sarili na baka makita ang kahinaan ko kung mapapasabak sa iba pang uri ng trabaho, tulad ng pagpapanday, pagpapalitada, o pag operate ng concrete mixer.

Sa una, tantiyahan muna. Nakita ko ang sunong-sunong na isang bag ng semento ng isang binata, saglit na ibinaba para badbarin ang bunganga na selyado ng matabang sinulid, kapagdaka'y, muling inalsa at isinalampak sa nakangangang makinaryang patuloy na gumigiling. Ah, ayaw kong humawak ng semento, turan ko sa loob-loob ko. Bukod sa malayo ang pinanggagalingang bodega, nangingilo ako na madaiti ang palad sa pinong-pino na hilatsa ng semento, kita ko rin ang umaalimbukay na alikabok nito.

Pinag-aralan ko rin ang gawain ng mga tagasubo ng buhangin at graba sa makinang gumigiling. Magkatuwang na isinasadlak ang gawa sa kahoy na kuwadradong takalan na may dalawang pares na hawakan. Puno ng buhangin at graba, sunod-sunod ang hakot hanggang masapat ang tamang bilang ng proporsyon. Puede ko na rin sanang sabakan ang gawaing ito, pero kabado ako na baka ilang alsahan lang, sumuko ang lakas ko, nakakahiya naman.

Kasalukuyan kasi na nagbubuhos na sa pangalawang palapag, kaya walang humpay at sabay-sabay ang kilos. Dun ko nakita ang helira ng pasa-pasang abutan ng timba na me laman ng hinalong semento, buhangin at graba. Agad akong sumingit at pinili ko ang mataas na posisyon. Tila totoo nga ang kasabihang mas magaan ang trabaho ng isang may mataas na posisyon. Sa ganang akin, nasa ika-lawang palapag ako, isang dakilang tiga-abot ng timba na wala nang laman, ipinapasa pabalik sa ibaba para lamnan muli ng semento.

Gusto kong ipagtapat, masama talaga ang me sobrang talino pag ginamit ng palso. Katusuhan ang nagawa ko. Inaamin ng sulok ng isip ko.

Naubos ang hinalong semento, pansamantalang natigil ang rutina. Natural, bumaba na rin ako sa puesto. Tamang-tama, bumatingting, halos magkapanabay na naulinigan ko ang katagang "hay salamat!" mula sa bibig ng mga hapung-hapong mga manggagawa.

Sa pagkatapos ng breaktime, nanatili ang lahat sa mababang posisyon. Kailangang maghalong muli ng semento. Eh, tumagas ang gasolina sa karburador ng Honda na makina ng mixer, di na mapaandar ang makina, kaya obligadong mag manu-manong haluan.

1-2-4 ang timpla. Sampung semento, 20 buhangin at 40 graba ang binuno namin. Di na ako nakabalik sa dating mataas na posisyon. Tiga-pala ngayun ang toka ko. Sa ganung kalagayan, naalala ko tuloy ang katutubong awiting "magtanim ay di biro ..." Mas masahol pa ang kalagayan kong palaging nakayukod sa pagpapala na tila may mabigat na tanikalang bola pa na nakagapos sa aking mga kamay. Pakiramdam ko mabilis akong ma "low bat", medyo "chappy' na rin ang dating ng gumagaralgal kong tinig. Sa tindi ng init ng araw sa mataas na katanghalian, nanginginig na ang aking kalamnan na akala ko parehas na ang pamamanhid na dulot ng matinding init at lamig.

Gamit na gamit ang aking dalawang braso, puersado rin ang aking mga binti sa labu-labong haluan. Natuklasan ko na ang aking hawak na pala, ay isang maaasahang tungkod din pala. Namalayan ko rin na madalas kong magamit ang aking puwet sa gitna ng umaatikabong haluan. Manaka-naka akong tumatabi para ihanap ang aking puwet ng mauupuan. Napansin ko na di na rin namimili ng malambot na upuan. Sumisilong din ako sa ilalim ng gula-gulanit na lilim. Ganun pala, makakalimutan mo ang luho ng katawan kapag wala ka nang mapagpipilian.

Mahirap talagang makatagal sa pagod, at natutunan ko din, mahirap ding makatagal sa "hiya", sa isiping sobra na yata ang aking pahinga, kaya pilit kong bumabalik sa aksyon.

Nangalahating araw na naman ako, at sa paalaman, nakadaupang palad ko ang ilang manggagawa. Nakapa ko ang magagaspang nilang palad, nakaramdam ako ng pagkapahiya sa sarili. Isang "badge of honor" pang maituturing para sakin ang kanilang kalyuhing palad. Ngunit linilinaw ko, hindi lahat ng kalyo ay katangi-tangi, meron din ako nyan, wala lang sa lugar, nasa likod ko.

Pero teka, bakit ba ako napadpad sa Gawaing ito, at puro naman hirap ng katawan ang litanya ko? Di ko rin sigurado kung ano ang nakalaan para sakin. Marahil ay nasa panahon ako ng pagtuklas. Me nagturo sakin, ipagkatiwala ko daw ang buhay ko sa Maykapal. Matagal ko nang naririnig ang ganyang pang-aakit sa aking ispiritualidad nung nasa koliheyo pa lamang ako, pero di tumimo saking puso. Nitong huli lang, naramdaman ko ang kapayapaan at kapanatagan ng loob, nung sandaling napag-aralan at natanggap ko, ang mga aral ng aklat na "Purpose Driven Life" ni Rick Warren.

Ngayun, hindi na ako takot sa "End of the World" dahil sa bagong pananalig at pagkamulat. Isa na lang ang kinakatakutan ko, tuwing "End of the Month" sa dami ng dapat pondohan at bayarin.


3 comments:

Anonymous said...

hahaha..nakakatuwa ang last sentence mo. kase nakakarelate ako dyan at alam kung madami ang takot sa end of the month!

alam mo, nabasa ko rin ang aklat ni rick warren at sobrang nag-enjoy ako sa pagbasa nito. parang ang gaan ng buhay pagkatapos itong basahin.

salamat ang Godbless you & your family.

Anonymous said...

volunteer k b? gusto ko rin sna, tell me how, cyber_kith@yahoo.com

Jack the Majic Dragon said...

Hi Cyber,

Thanks for reading my blog.

Am not a regular volunteer at GK. But anyone can just go there and let your sweat pour down on its soil. You will generate good feeling afterward.

I went there because of curiuosity, of some good cues, and participated anonymously.

Later, I was able to write about that experience, and somewhat ignited many readers' soft side and started to contemplate on how to unleash there own share of compassion.

Just like you, a good seed is in your heart, let it grow.