Monday, February 11, 2008

Lumpiang Tikoy

Halos isang linggo na ang nakalipas nung araw ng pagsalubong sa bagong taon para sa mga tsino, ngunit me bakas pa ring naiwan ang ala-ala nito... ano pa nga ba? Eh di ang tira-tirang pagkain, lalo na ang tikoy na higit na namnam ang sarap pag-inaamag-amag na.

Ang tikoy na yata ang pinakamalagkit at bantog na kakanin na tinatangkilik na sa buong mundo. Ika nga, umabot na ang kasikatan sa antas ng pagiging world class ang dating. Meron naman tayong katumbas na kakanin, tulad ng suman, puto at bibingka pero hanggang pa pesti-pestibal pa lang ang nararating sa mga kanayunan ng liblib na probinsya.

Samantala, nais kong bigyan daan na maitala ang karangalan; sa pamamagitan ng salaysay na ito, ang bagong tuklas ng aking mahal na esposa na naganap sa kusina. Isang pangahas na eksperimento sa pamamaraan ng pagluto ng tikoy na kanyang ginawa ang aking tinutukoy.

Narito ang maikling eksena sa kusina.

Hinango mula sa pridyeder ang nangangalahati nang tikoy na nakapaloob pa sa kahong pulahan na me mga sulat titik intsik. Hiniwa ng manipis at itinabi. Palinga-linga na hinanap ang itlog na siyang paglalanguyan ng tikoy nang sa gayon ay maiwasan ang pagdikit sa kawali dahil sa kulapol ng itlog na namamagitan sa nanlalagkit na tikoy at nakakapasong mantika. Ganyan ang pangkaraniwang nalalaman nating paraan ng pagprito ng tikoy. Subalit, nang mga sandaling yaon, di-makita ang itlog at tila naubos na.

Tunay nga pala ang kasabihang: necessity is the mother of invention, sa ating wika pa, ang kasalatan ang nag-uudyok sa pagiging malikhain. Dito napagbalingan ng aking ex-girlpren (misis ko na ngayon) ang nakatiwangwang na lumpia wrapper sa lamesa. Binilot isa-isa ang mga hiniwang piraso ng tikoy sa lumpia wrapper at prinito sa katamtamang dami ng mantika. Presto! Walang paninikit sa kawali, madaling bali-baliktarin, na-ampat ang labis na pagmamantika sa linutong tikoy.

Naging tumpak na palatandaan ang pamumula ng bilot ng tikoy para hanguin na ito. At napagtanto na di-sinasadya, natumbok ang mas mainam na pamamaraang ito ng paghahanda ng tatawagin nating “lumpiang tikoy”.

Sa hapag, di-na kailangan ang tinidor, maaari na itong damputin ng daliri na di gaanong madadaitihan ng mala-grasang pagmamantika. Malutong na malutong ang bawat kagat na sa kalagitnaan ay napapalamanan ng banayad na lagkit ng tikoy. Naging kaaya-aya na rin ang sapat na panlalagkit na nagbibigay kalayaan at kapanatagan ng loob sa mga mahihilig kumain ng tikoy na nakapustiso. Nabawasan din ang likas na labis na tamis ng tikoy dahil sa pagbalanse ng lasa ng malinamnam na lumpia wrapper.

Ang kaalaman ay hindi isang monopolyo, maaaring me mga nakatuklas na rin sa magandang ideyang ito. Dahil sa ito ay maganda, nararapat lamang na maisiwalat at pakinabangan ng kasambahayan. Sa pagsusulong ng ganitong adhikain, isang karangalan na rin na maibahagi ang kalinangang ito na natuklasan ni Mrs. Norminda B. Co, na mahilig magluto at higit sa lahat, mahilig din sa pag-aaruga sa gwapo (naisingit pa rin heh he he) niyang esposo.

Ngayon ko na rin naisip, magiging 2 in 1 na pala ang simbolismo ng tikoy sa mga darating na bagong taon ng mga tsino. Ang malagkit na pagkakaisa at pagsasama ng pamilyang tsino at ang masaganang daloy ng malulutong na bagong limbag na perang tig-iisang libo.

(Patalastas: nasa camera ng celfone ang aktual na larawan ng lumpiang tikoy. di-ko lang alam i-upload sa computer. Marahil ay sa maikling panahon maipoposte ko rin ang larawan dito)



3 comments:

Anonymous said...

Sa tinigin ko nga masarap kaya lang mas natawa ako sa pagsingit mo sa pagbubuhat ng sariling banko hehehehe kasi mas guapo sayo si adrian

Jack the Majic Dragon said...

Ty. Aminado ako na mas gwapo si adrian. Like father, like son.

Unknown said...

kristian cordeor uni, nagsisirip. marahay-rahay na makapadagos kita sa pagbuhay-buhay, paghurop-hurop ki mga bagay mapapadapit sa satuya.