Thursday, February 7, 2008

Kung Hei Fat Choi (Pagbati Para Saiyong Kasaganaan)










Ngayun ang unang araw at sukdulang oras ng walang patid na batian ng “Kung Hei Fat Choi" sa lahat ng sulok ng mundo, sa pamamagitan ng tuwirang pagdadaupang palad, malapitang kawayan, talastasan sa telepono at teksto, anunsyo sa radio at telebisyon, pagtipa sa e-mails at kung anu-ano pang pamamaraan ng paghahatid ng pagbating me lakip na galak at panibagong pag-asa sa pagsalubong sa bagong taon na nakapaloob sa Kalendaryo ng mga Tsino, na pumatak sa ika 7 ng Pebrero 2008 at papaso sa Enero 25, 2009 sa Gregoryanong kalendaryo.

Laganap ang pagdiriwang sa kasalukuyan, higit para sa mga etnikong tsino na umugat na at yumabong sa mga lugal na tinaguriang Chinatowns saan mang panig ng daigdig. Marangya at masigabo ang pagdiriwang sa tradisyonal na pagsalubong sa bagong taon para sa mga tsino. Nariyan ang tropa ng mga mananayaw na nakabalatkayo ng Leon at Dragon, na walang humpay na naghahabulan at naglulundagan na tumityempo sa saliw ng malalakas na hambalos sa tambol at nakabibinging pompyangan ng mga cymbals.

Makulay at kamangha-mangha ang pagtatanghal sa gabi. Iba’t-ibang anyo, desinyo, liwanag at luwalhati ang matatanaw sa kalsada at kalawakan na di-naman kalayuan, bilang entablado ng mga nagyayabangang mga lusis at paputok.

Nakakaaliw mamasyal at mamili sa araw na ito sa mga naglilipanang tianggihan sa bawat sulok ng kalsada. Maraming nakasabit na kumukutikutitap na kulay ginto at tila panay pulang helirang kapaligiran. Ang karaniwang pananamit ngayung araw ay halos kulay pula mula ulo hanggang paa, sa paniniwalang nagtataboy ito ng masasamang ispiritu at kamalasan sa buhay.

Ito ang tumpak na pagkakataon ng pagdalaw sa mga nakatatandang kapamilya, panahon ng pag-aalay, pasasalamat at pagbibigayan. Ito rin ang sandali ng paghahain ng masaganang pagkaing pagsasalo-salohan, na sa manawari’y pusposin din ng saganang hapag kainan ang buong santaon. Mapapansin ang iba’t-ibang uring inihandang pagkain at prutas na panay bibilogin. Kahel, mansanas, ubas, kiwi, melon, pakwan, dalandan at iba pang prutas na napapanahon. Siyempre pa, nariyan ang pambansang cake na malagkit ng mga tsino, ang tikoy. Inuulit ko ang salitang malagkit- iyan ay para sa pagtitinginang malagkit at pagsasamang di mapagkit-pagkit, ayon sa kanyang simbolismo. Hindi tulad sa naiisip mo na makunat.










Sadya nga na masunurin sa matatandang paniniwala ang mga etnikong tsino, katulad na lamang sa pagsasabit at pagsasaayos ng mga uring bilog. Ang pera nga naman ay hugis bilog at buo ang kanilang paniniwala na dadaloy ang pera ng masagana sa buong taon.

Year of the Earth Rat, “taon ng makalupang daga” , puede na rin siguro ang salin-salita na yan. Naglabasan sa telebisyon at radio ang mga propagandista at dalubhasa sa pagpupunsoy. Silang mga tinaguriang eksperto sa punsoy ay nagsusumikap na bigyan buhay pag-asa ang simbolong taglay ng isang daga. Ang iba nama’y hinango ang pag-asa ng pagkakaroon ng maaliwalas na pamumuhay na darating dahil sa numerong 2008; bale ang 8 ay iginuguhit ng paikot-ikot na nagtatapos ang dulo ng panulat sa akmang pataas.

Ewan ko, sa ganang akin nandidiri talaga ako sa daga mula pa pagkabata. Takot na takot ako sa daga. Nagmumura ako ng kung anu-ano pagnakakita ako ng bubwit, yun bang mamula-mula pa na wala pang balahibo at nakapikit pa ang mga mata. Puede kong buhatin ang ref at ibato sayo kung iaakma mong ihahagis sakin ang bubwit na hawak mo sa buntot na nakatiwarik. Eh eh eee ee e, subuki!!!

Me labindalawang hayop na nagsisimbolo sa bawat ikot ng taon sa kalendaryong tsino. Maraming magaganda at maaamong hayop, ang daga na yata ang pinakapangit at salaula.O dala lang kaya ito ng aking emosyon?

Ang ibig kong sabihin, pahirap ng pahirap ang buhay ng tao sa pinas, tapos bibigyan tayo ng mali yatang pag-asa dahil sa taon ngayon ng daga at otso pa ang dulo ng numero ng kasalukuyang taon?

Mas maniniwala na lang ako sa pagsabit at paghahanda ng mga bagay na bilog. Taon-taon ganun din ginagawa namin dito sa bahay - ang maghanda ng bilog. Kaya naman, buong taon nga din dumaloy ang bilog na biyaya sa bahay. Puro barya-barya nga lang.

Ngayung taon, iniba ko na istilo ko. Inalis ko ang lahat ng me kinalaman sa bilog.

Wala nang keso de bola sa mesa, sa halip ay kraft cheddar cheese na lang na nasa maliit na karton, imbes na tinapay na pan de monay at pan de lemon, pan amerikano na. Kisses chocholates napalitan ng choc-nut. Jamon de bola wala na, meron salami na naka bloke. Sa ngalan ng kakanin na dati'y bibilogin, sa ngayun - ang tema ay lahat kakantuhin na.

Nagsabit ako ng mga parihabang hugis, tulad ng tabla, skyflakes, libro, sobre, kahon, malapad na tray at lahat ng bagay na makita ko sa loob ng bahay na hugis rektanggolo. At higit sa lahat, hindi na ko umiinom ng ginebra gin bilog, kuatro kantos na tinutungga ko ngayon.

Umaasa sa taong ito na babahain ako ng mga perang papel at cheke, at hindi yung barya-barya lang.

No comments: