Friday, February 1, 2008

Ang Talbos Kamote at Dengue

Naging " IN " ang Camote nitong nakaraang linggo dahil sa nabigyang pagkakataon na maisa-ere sa mga pangunahing programa sa telebisyon at pambansang pahayagan ang natatanging kahalagahan ng Camote na may kinalaman sa pag-apula sa sakit na dengue. Umusok din sa internet ang kawing-kawing na pasahan ng mga patok na balita at testimonya ukol dito. Kaya't heto ako, " IN " na rin sa pakikipag-Camote.

Naniniwala ako na nakakatulong talaga ng malaki sa paglaban sa dengue ang talbos ng kamote. Medyo naligaw lang ako dahil di ko agad na getz ang ibig sabihin ng camote tops at camote soup. Anak ng kamote!, eh talbos lang pala ito ng kamote.

Paborito naming mga Bikolano na gawing sinabawan na may halong sariwang isda ang talbos ng kamote, lalo na yung pula ang dahon. Kusido ang tawag sa lutuing yan. Sinigang sa mga Tagalog.

Ibang klase kami mag-sigang o mag-kusido. Narito ang pamamaraan. Isinasalang namin ang kawali, hindi kaserola, dahil sa magbubusa muna ng bawang at sibuyas bombay. Paghumahalimuyak na ang pinaghalong sangkap at medyo totong na, mabilisang igigisa ang mga pinigtas na talbos at magkatulong na hahaluin ng kaliwa't kanang kamay na may hawak na sandok at syanse. Hanguin agad, ilagay sa bandehado at itabi muna.

Ang nag-uuminit at nanunuyo nang kawali ay bubuhusan agad ng tubig na syang magsilsilbing sabaw. Umaatikabong sagitsitan ang mamamayani sa salubungan at pagsanib ng malamig na tubig sa nangingintab na mantika. Uusok ng maputi na may dalang katakam-takam na aroma ng bawang at sibuyas. Taliwas sa maanghit na amoy ng kili-kili at singit ng mga banyagang balbas- sarado na nakatira sa mga bansang Gitnang Silangan na sinasabing napakahihilig din sa mga naturang pagkaing pampalasa.

Takpan ang kawali, hayaan ng ilang sandali hanggang sa kumulo. Sa unang kulo, ilaglag na ang sariwang isda.

Samantalang hinihintay natin ang pangalawang pagkulo, magkwentuhan muna tayo saglit.

" Ang mga masasarap at angkop na mga isdang sabawin ng mga Bikolano ay pangunahin ang malasugui (blue marlin), bangkulis (tuna), tanguigue, pondahan (yellow fin) at tulingan - mga parihabang isda na walang kaliskis. O kaya, pamilya ng isdang maninipis at ga-palad ang hugis, tulad ng talakitok, malaga, danggit, talagbago, kataway, at toros. Sa may kaliskis, ok na rin ang banak at bangus pero madalang ang mga ito sa Bicol. Hindi masyado pansin sa amin ang mga isdang bato bilang katambal ng talbos kamote, tulad ng lapu-lapu at loro, matatabang kasi ang lasa ng mga ito; kung kaya't tugma lamang sila sa mga lutuing sagana sa sawsawan o kaya, kulapol ng mayonaise dressing."

Balik tayo sa lutuan. Muli nang kumulo ang sabaw na hinulogan ng isda. Isunod na ang naitabing ginisang talbos, timplahan ng asin at itaktak ang vetsin. Ang finale, paagusan ng sinalang katas ng kalamansi ang sabaw at presto!, hanguin agad, maglagay sa tasa ng sabaw at higupin, namnamin, ang matingkad na mamula-mulang sabaw; at tiyak na mapapasigaw ka ng sari-sari - sa sobrang init nito.

Yan ang sikreto ng ginisang kusido, mas matagal makawala ang init ng sabaw at nananatili ang aroma dahil hindi ito dagliang makaalpas sa ibabaw ng manipis na lumulutang na mantika.

Ang menung ito ay sintanda na ng panahon na siyang unang idinudulot sa mga kapapanganak pa lamang na mga nanay sa kanayunan namin. Sagana sa sustansya at sarap. Pagkain para makabawi agad ng lakas at bumukal ang balon ng gatas sa kanyang magkabilang dibdib na naglalaman ng colostrum na magiging likas na imyunidad ng sanggol at pananggalang sa impeksyon at dengue.

Whew! masyado yatang napalayo ang talakayan natin.

Balik tayo sa dengue.

Ang sakit na dengue ay walang tiyak na gamot panlunas. Subalit hindi lahat ng tinamaan ng dengue ay namamatay. Kaya nga ilang porsyento lamang ang napapabalitang natutuluyang bawian ng buhay sanhi sa sakit na dengue. Tanging resistensya lamang ng katawan ng pasyente ang lumalaban dito.

Samakatuwid, sa gitna ng karamdamang ito, dito na pumapasok ang katwiran ng pagkakaroon ng tumpak na nutrisyon sa bawat sandaling dumaraan. Kailangan ng pasyente ang magtipon ng lakas at resistensya. At isa na ang pagkain ng masusustansyang makakain, tulad ng sariwang lamang dagat na may sahog na talbos kamote na sinababawan, katulad ng sa katatapos pa lamang nating lutuin. Mayaman ito sa kung anuman na mga bitamina na me iba’t-ibang letra, ngunit higit sa lahat, masarap at madaling tanggapin ng sikmura ng isang nananamlay na maysakit. Nakakahigit na angkop ang ganitong uring pagkain para sa sinumang maysakit.

Gaano man kasarap ng porterhouse o kaya T-bone steak, hindi ito katakam-takam sa panahon ng isang maysakit. At isang babala, hindi rin lahat ng lamang dagat o seafoods ay mainam sa maysakit, tulad ng sardinas, tuyo, daing, dilis, pusit na buo at bini-ak. Ang gusto pasyente ay yung tila umuusu-os na sabaw.

Ang talbos kamote, bow!

No comments: