Thursday, October 28, 2010

PALUWAGAN

Nagising ang aking kamalayan sa usaping PALUWAGAN nung panahong kasisimula ko pa lamang mamuhay bilang isang bata pang namamamilya. Ito ang panahong napagtanto kong totoo pala ang kahalagahan ng EKONOMIYA, na dati ay sa silid aralan lang namin napag-uusapan nang may pagkabagot. Seryoso na nga pala ang buhay may pamilya at kailangan magpalinga-linga na sa lahat ng bagay na maaaring makalikop ng pondo para rin sa pamilya.

Ang paksang PALUWAGAN ay natagpuan ko rin sa loob ng organisadong Kooperatiba. Ito ay ang pagsama-sama, pag-ambag-ambag ng tig-karampot na halaga ng bawat isa, na kung susumahin na ay isa ng malaking kaluwagan sa nakatokang tatanggap ng kabuoang halaga.

Isang napakalaking simbolo at testimonya na sa pagkakaisa ay may lakas. Subalit sa kasawiang palad, bago sumapit ang nakatakdang sasahod sa kulelat na panahon, naglalahong parang bula ang mga unang nakatanggap na. Ito lang ang malpraktis na kumikitil sa magandang mithiin ng PALUWAGAN.

Samakatuwid, masigla ang samahan sa simula, at kalaunan ay unti-unting ginagapang ng kasakiman ang puso ng ilang nakinabang na. Maging isa man ang mag-abandona sa kanyang karampatang ambag matapos makasahod, ay pihong mapipilay ang daloy ng biyaya sa mga susunod pang nakatakdang sumahod.

PALUWAGAN. Isang magandang kataga, subalit bakit bigo?

Sa aking palagay, may maganda at tumpak na kahulugan ang PALUWAGAN. Kailangan lang sigurong baliktarin ang konsepto. Kung sa naunang programa ng paluwagan ay hinahangad ng bawat isa na maunang sumahod, puwes, sa pagkakataong ito, walang magnanais sumahod ng nauuna, at kung maaari lang, 'wag na lang dumating ang oras na maisalang pa.

Inihahalintulad ko ang konseptong ito sa kahulugan ng "Mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap" (It is better to give than to receive), dahil higit ang pabuyang tatanggapin sa langit ng taos pusong palabigay.

Sa punto ng talinhaga, bihira ang tunay na naniniwala dito, kasama na rin yata ako. Tama sa teorya, ngunit, hindi lubos na isinasakatuparan. Kung ginagampanan man ay takal na takal o pa pitsi-pitsi lamang. Pano nga, may kanya-kanya tayo ng antas ng kagahamanan.

Ay kung tunay ngang paniniwalaan, bakit nga konti lang at pakonti-konti pa kung magbigay?

Si Bo Sanchez lang siguro ang payak na magandang halimbawa sa ating lipunan, at meron ding iba ngunit umabot na ang kanilang yaman sa karurukrurukan kung kaya't madali ang kanilang pagganap bilang mga pilantropo.

Sa puntong literal, tumpak ang kasabihang "Mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap" (It is better to give than to receive), sa tulad ng nakagawian nang gawin ni Manny Paquiao sa ibabaw ng lonang entablado. Hindi lamang kayamanan, pati karangalan ay naiiuwi nya dahil sa dami ng kanyang ibinibigay na suntok sa kalaban.

Ayaw nating mamatay agad. Ayon sa teorya ng paborito kong manunulat na si Jessica Zafra, kaya daw may takot tayo sa hindi inaasahang maagang kamatayan ay sa dahilang may kamalayan tayo na totoo ngang me katapusan ang ating mortalidad. At kung sakaling alam nating wala palang kamatayan ang tao, tiyak na mag-uunahan pa tayong tumalon sa matatayog na gusali o kaya ay salubungin ang rumaragasang siks bay siks.

Alam natin na tatanda at tiyak mamamatay rin tayo, kaya naman gumagawa ng paraan ang maraming tao para mapigilan ang pagtanda, mapahaba ang buhay. Nandyan na ang pagpapahid sa mukha ng kung ano-anong malalagkit na krema, tumutungga ng matatamis na likidong organiko, lumulunok ng tabletang walang approved therapeutic claim at iba pang panindang naglilipana sa kamay ng mga taong gustong maghanapbuhay. Kitams? Parang lagareng hapon. Yung kumukunsumo naghahangad ng buhay, yun naglalako, naghahanap buhay din. Lahat gusto mabuhay.

Ay buhay, simple lang ang solusyon dyan, pabagalin ang orasan upang tumagal ang buhay, o kaya ay dagdagan ang orasan ng 6 na oras isang araw upang maging 9 na araw ang isang linggo, 15 buwan isang taon - at kung 50 anyos ka na ngayun ay parang 37.5 anyos ka pa lang samakatuwid. Alam ko, kukuha ka ng kalkyuleytor para subukan ang matematiks ko.

Balikan natin ang PALUWAGAN. Nangyari ito kamakailan lamang sa samahan ng mga dating Iskolar ng Bayan ng Central Luzon State University (CLSU) sa bisa ng COCOFED Scholarship Grant nung panahon ng dating Pangulong Ferdinad E. Marcos, dekada 70 hanggang 80, kung saan karangalan kong ako ay mapabilang.

Dahil sa aking pagbubulalas ng damdamin sa isang Blog dito sa Multiply at Facebook na may pamagat na "DISTRESS CALL", napukaw ang pusong pakikiramay ng aming kawan. Tulad na istilo ng isang PALUWAGAN, kami ay nag-ambag-ambag ng munting nakayanan at inialay sa mag-asawang kasamahang, na impit na sinasarili ang pagdurusa na dinaranas nila at ng kanilang mahal na anak na nasa bingit ng kamatayan at nakamamatay na gastusin.

Sila ay nagpapasalamat subalit malungkot na sumahod ng aming pinagsama-samang nakayanan na dinagdagan ng ilang simpatiya at pagdarasal pa.

Sa ganitong pagkakataon, walang naghihinakit na hindi nakatanggap ng sahod, ni wala man lang nag-uunahan magdeklara na susunod na sumahod. Wala rin puwang ang kuropsyon dito dahil ang ngalan ng lahat ng nag-alay ng tulong ay nakalista ang full name and address sa ulap ng langit.

At kung alam lang nila na higit na malaki, in bold letters with glitters pa ang mga titik ng pangalan ng sinumang malaking magbigay, palagay ko, mag-uunahan na naman tayo at magpapalakihan pa ng bigay.

Amen ba? Amen!





No comments: