Showing posts with label clsu. Show all posts
Showing posts with label clsu. Show all posts

Monday, October 11, 2010

Ang Kaibigan Kong SAMKIDLAT Para Sa Lahat

Salamat sa iyong bukal na pagsulpot sa kamalayan ng sang kabukohan, at ako ay higit na nagpupugay saiyo sa dahilang binasag mo ang iyong pananahimik sa ngalan ng pag-aalay ng suporta sa isang kasamahan.

Salamat din sa iyong paglalahad ng isang trahedyang nangyari sa iyong buhay na may lakip ng himala sa iyong pagkakaroon ng pangalawang buhay. Sino nga ba naman ang bubuhayin kapag tinamaan ng kidlat, higit ang lupit nyan sa "tinamaan ng Lintek".

Minsan ko nang naipakilala sa ating samahan ang alamat sa likod ng iyong dumadagundong na pangalang SAMKIDLAT!!! kssst brooom sez boooommmbaaaa!!!!!!

Subalit wala man lang naniwala sa akin nung mga oras na yaon. Nais ko lang naman na ibahagi ang aral na mag-ingat sila na gumawi sa lugar na tila ligid ng sagingan tulad ng lugar na pinangyarihang naganap na sakuna sa iyo at 3 pang kasamahan. At higit sa lahat ay huwag maghamon o makipagpustahan na "tamaan ng kidlat" ang sinumang nagsisinungaling.

Ang katotong Sammy ay alam kong hindi sinungaling, maliwanag na nadamay lang dahil nagawi sya sa isang lugar sa maling pagkakataon, at sya nga ay himalang nabuhay.

Maraming himala ang nangyayari sa buhay ng aking kaklase at kaibigang Sammy.

Likas ang kanyang talino lalo na sa numero. Di ko malimutan ang kanyang galing sa klase namin sa Mechanics sa isang board work na ibinigay nang aming guro na si Prof. Pedro O. Gelilio ng CLSU. Sya lamang ang tanging nakakuha ng tumpak na kasagutan at pansamantalang tumiklop ang mga bituin ng magagaling din naming kamag-aral na sina Arturo Francisco, Nemesio Escobinas at ang nasirang Ferdinand "Ninoy" Aquino.

Ang maipipintas ko lamang kay Sammy ay ang kanyang malilinggit na "handwriting". Napakahirap talagang unawain ang kanyang dikit-dikit na panulat na tila hugis maliliit na ipin ng daga. Sa palagay ko ay mas madaling pag-aralan ang sign language kaysa mag decode ng mga titik na isinulat ni Sammy. Kahit siguro medical transcriptionist ay magreresign sa trabaho kahit mataas pa ang sweldo kung panulat ni Sammy ang i-tra-transcribe. Hindi ko maubos maisip kung pano nakapasa ang loko sa "Drawing I & II sa ilalim ni Prof. Reyes noon. At yan ang kauna-unahang himala na naganap sa buhay ni Sammy.

Si kaibigang Sammy ay mala inbentor din ang kaisipan. Mayroon syang konsepto noon na gumawa ng isang fire-proof na lawanit. At bigla na lang kalaunan ay sumulpot ang hardi-flex na hango sa kanyang orihinal na ideya.

May mga ginawa rin syang matibay na pugon na yaring semento para sa gatong na uling noon. At umorder pa nga ako pero nadaganan si Sammy sa dami ng inorder ko kaya di na nakapagdeliver, at isa pang dahilan ay napakalayo naman ng Gumaca sa Paranaque.

At ang isa pang kagila-gilalas na kwento ay ang kanyang pagbibigay lunas sa sakit sanhi ng sirang ipen. Nakatuklas sya ng isang uri ng halamang baging na ginagamit nyang pampausok sa tenga ng pasyente at nagpapaalis ng sakit ng ipen. Sinasabi nyang napapalayas ang mga uod na nananahan sa bulok na ngipen na tila nagsilbing "tear gas" ang usok na pinadaan sa tenga at tumatagos sa loob ng bibig ng tao.

Ang mga naturang kwento sa akin ni Sammy ay aking pinaniniwalaan hanggang sa mga oras na ito dahil kilala ko siya bilang totoong tao. Hindi nya ako lolokohin at alam ko rin kung kailan sya nagbibiro. Alam ko talagang hindi sya magsisinungaling sa akin at ang isang prueba dyan ay ang pagkakaligtas nya sa tama ng kidlat.

May iba pang kwento na hindi kapani-paniwala subalit depende kung sino ang nagkwe-kwento, ay maaaring maniniwala rin kayo. Tulad nitong kwento ni Pareng Rudy Sadia na isang ring matalik na kaibigan. Ang kwento nya ay isang kababalaghan. May ginanap daw silang exorcism, at nakita nya sa kanyang harap mismo kung paano umikot ng mabilis ang isang lalaking sinaniban ng masamang ispiritu, lumuwa ang napakahabang dila, sumuka ng likidong pagkabaho-baho at nagsalita sa kakaibang tono ng ibang boses. Ang nasabi ko na lang kay Rudy ay - "kung ibang tao ang nagkwento nito ay di ko paniniwalaan, subali't dahil ikaw ang nagsabi nito, sumasampalataya ako" at inulit nya rin ang kanyang pagdidiin na kumpirmasyon.

Tinatawagan ko ang Pareng Rudy ko na sana magpahayag naman ukol sa paksang ito para naman lalong tumaas pa ang rating ng aking credibilidad.

Balik tayo sa dating bida ng ating usapan, kay SAMKIDLAT!!! kssst brooom sez boooommmbaaaa!!!!!!

May proyekto rin si SAMKIDLAT tungkol sa pagpapaanak ng alimango "in captivity". Milyon milyon ang itlog ng buntis na alimango. Sinubukan niyang maghuli ng buntis nito at ikinulong, binigyan ng pagkain, inalagaang maigi. Subalit sadya nga yatang ang naturalesa nito ay manganak lamang sa isang layang galaan.

Tatapusin ko na muna ang bahagi ng kwentong ito at itutuloy ko na lang ang susunod na yugto na tatalakay sa pagiging siyentista ni SAMKIDLAT. Aalamin ko rin ang latest development ng kanyang Alimango Project. Nais ko ring isabay na rin ang pagtalakay sa aking pananaliksik kung paanong ang organikong damo ay mako convert sa gatas.

Dito ay nais kong magkaroon ng kolaborasyon kay SAMKIDLAT dahil sya na siguro ang kasagutan sa misteryo kung paanong ang damo ay may kalalabasang produktong gatas. Sinasabi nya sa ngayun ay nagpapakadalubhasa at isinusulong nya ang adhikaing tangkilikin ang "ORGANIKONG KILUSAN".

Saturday, October 6, 2007

Kwentong CLSU - Magkabalitaan Tayo

Mula nang mailathala ko sa Blog at Yahoo Groups ang aking mga artikulo tungkol sa ala-ala ng aking panahon kasama si Dr. Jose L. Tabago at pagmumuni-muni sa “Feel Young”, napukaw ang pansin ng aking malalapit na kaibigan dahil sa muling nakapa nila ang pagkakalapit ng aming damdamin sa bisa ng pasasalarawan ng istorya.

Ang paksang pinag-uusapan ay nag-uugat sa iisang lugar na aming pinanggalingan na naging malaking bahagi ng aming buhay, ang CLSU. Ang mga tauhan ay maaaring kilala o di kilala, ngunit ang natitiyak ko, sila man ay may magagandang ala-ala na nais balik-balikan, ang mga araw ng kasibulan sa CLSU.

Nais ko ring tukuyin, na isang pamamaraan ng pag-akit ito sa mga kasapi ng on line forum na kinabibilangan ko, na maglabas din ng kani-kanilang natatanging personal na kwento upang lalong maging masigabo at mayaman ang talakayan.

Tunghayan ang palitan ng mga salita:

Biglang sumulpot sa CLSU Artist Club Yahoo groups ang e-mail ni Pepito Duque, isang matagal nang nawawalang kamag-aral.

" Thank you for making me feel young. You really have some talent. You still have that Tony Co in you back in CLSU days. Keep writing and I think you have deep thoughts about that once familiar emotion of being young.

This isnt your best. Hehehe …. Pepe ”

Sinagot ko agad at copy furnished ang EYSE Yahoo groups:

" Oy PEPS, buhay ka pa palang hayop ka, as in homo sapien (nde hayup ha?).

Mga EYSE (tawag sa mga members ng Artist Club) !, ito si Bro. Pepito Duque, ka kontempor-anyo ko sa CLSU. Magaling siyang kartonista.

Mula sa pagbobote, pagbabakal, pinasok na rin niya ang pagkakarton.

Malikot ang kanyang isip at lalong lalo na ang kamay, sa paglikha ng mga nakakakiliting obra sa pag-guhit. Paborito nyang guhitan ang mga CR, dingding ng mga malilinis na pinturadong building, locker sa dormitoryo, pader at bakod. Me kakaiba rin siyang kakayahan na sulatan ang t-shirt ng sari-saring bandalismo habang nakasuot ito at hindi namamalayan ng manhid na tao.

Ang hindi na lang niya masulatan masyado ay ang kanyang nag-iisang kuwaderno na gamit sa aralin.

Di ko maubos maisip kung pano siya naka graduate. Di ko alam kung sa awa o takot ng pamunuan ng CLSU kaya siya pina-graduate.

Simula nun maging alumnus na siya, naging malinis at maaliwalas na ang kapaligiran sa CLSU. ... Tony Co "

Hindi nakatiis si Rudy Sadia, kapwa ko Cocofed Scholar sa CLSU, sabi niya:

" naaaliw ako sa blog mo, sana nga magkapanahon din akong magsulat. Maaring sa paraang itoy makatalamitam natin ang mga dating kamag aral natin sa clsu. Katulad ni Pepe na bigla na lang sumusulpot samantalang huli kaming nagkita ay sa Sultan Kudarat, pero ngayoy nakikipagbuno na ang dila sa banyagang bansa.... Rudy “

Sinundan uli ni Rudy ng e-mail, bilang balik ala-ala sa masasayang araw namin ng pagtatanim sa Digdig:

" parang hindi century plant ang pangalan ng halamang tinanim natin sa digdig. Mas mabuting itanong natin kay Felino, alam mo namang kabisado non pati mga middle name ng lahat ng cocofed scholars, wanted nga siya ngayon ng dzmm papalit kay Ernie Baron.

Dapat dinagdag mo pa kay Peps yung bubble gum na dinikit niya sa may urinal ng men's CR ng College of Engineering at linagyan ng paskel na, PLS.DONATE!... Rudy "

Nasisiyahan ako sa naging reaksyon ng malalapit kong kaibigan. At nabanggit na rin ang pangalan ni Felino Linga, BSAEn '85. Tinatawagan ko siya na magparamdam naman.

Kapag lumabas na si Felino, marami pang susulpot na ka-kontempor- anyo naming kasamahan, tulad nina Roy Oracion - uncle ni Leo Oracion ng Everest, Nida Fadul - walang kinalaman sa frat hazing, at iba pang kaklase na mahihilig tumawa. Yun iba naming mga kaklase na ayaw lumitaw, ay kuntento na yata sa pagbabasa, tulad ng kwentong ito.

Tony Co, BSAEn'85
http://caramoan-kanvar.blogspot.com

Thursday, October 4, 2007

Ika-2 Yugto: DR.JOSE L. TABAGO, MAKA-KALIKASAN

Ang subject code: Ag En 8 na may deskriptong Soil & Water Conservation Engineeering, ginugugulan ng panahon ng lektura sa silid aralan at praktikal na ensayo sa labas ng paaralan.

Mapalad ang aming klase sa pagkakatalaga sa amin ng isang Dr. Jose L. Tabago na may tumpak na kasanayan sa nabanggit na araling larangan. Siya ay may masteral na antas sa Environmental Engineering mula sa Asian Institute of Technology ng Bangkok, Thailand, taong 1973. Pinag-igting pa ito ng katatamong Doctoral na pagkadalubhasa sa programang Water Resources Management sa lupain ng mga kowboy, Oklahoma State University, 1983.

Ang istilo ng pagtuturo ni DJLT ay hindi yung ang estudyante ang maghahanap ng kasagutan. Sadyang itinuturo nya ito. Kaya nga naturingan ang guro na mag turo. Hindi tulad nung iba diyan, self-service ang ginagawa samin. Tatambakan ka ng sangkatutak na assignments, hanggang kaunti na lang ang panahong natitira para sa kanyang pagtuturo.

Mabait si DJLT, madalas gumamit ng kuwento sa pagtuturo na umaaliw at nagpapatindi sa hangarin ng mag-aaral na matuto. Hindi ko pa ni minsan narinig na magtaas siya ng boses sa klase, maliban kung siya ay may sinisigawan.

Masipag si DJLT dahil hindi siya pumapalya o nahuhuli sa pagpasok sa aming klase, maliban na lang kung natrapik sa loob ng CLSU.

Higit na masaya ang aming naging pagsasama dahil sa ibinigay niya sa aming karanasan na madungisan ang aming mga kamay sa pagtatanim ng mga "century plants o centurium" nga ba yun?. Nagaganap ang ganitong maaksyong gawain sa isang bulubunduking lugar na dinarayo namin tuwing araw ng Sabado, Digdig Ranch, Carranglan, Nueva Ecija.

Ipinaliwanag sa amin ni DJLT na ang centurium ay mabisang-madaliang pananggalang sa naligalig na lupaing dumadausdos (soil disturbance or erosion). Ito ay sa kadahilanang mabilis tumubo at dumami ang nasabing halaman. Kumakapit agad ito sa lupa na siyang agarang lunas sa lumalalang pagka-agnas ng lupa na maaaring kahantungan nito kung pababayaang panot ang bahaging tuktok ng bundok.

Mabilis ding mag-isip ng solusyon o pamamaraan si DJLT. Minsan, kinapos ang aming punlang centurium. Maulan-ulan ang araw na yon. Bumaling ng tingin si DJLT sa kabilang pisngi ng bundok at napangiti sa kanyang nakita, mga damong ligaw, cogon grass!

Agad niyang pinulong ang kalalakihan at itinuro ang Cogon na siyang magiging kahalili na pupuno sa espasyong kailangang taniman. Agad naming inatake ng sabunot na umaatikabo ang mga cogon at inilipat sa kabilang bahagi ng bundok. Ibayong pagmamadali ang aming ginawa dahil malapit ng kumagat ang dilim at madulas ang daan.

Lumipas ang ilang linggo, pinagtuunan naman namin ang pag-aaral ng mga teorya na ginaganap sa loob ng silid aralan.

At sumapit ang takdang araw ng aming pagbabalik sa nakawilihan ng bulubunduking kapaligiran, masarap na simoy ng hangin at sari-saring paswit na tunog ng huni ng mga ibon. Nakapamewang si DJLT, gumagala-gala ang paningin. Nasisiyahan sa tanawin na malalago at ganap nang luntian ang mga pananim ng mga bata. Ang centurium at ang ibang bahagi ng cogon na nakalatag. Napawi na ang panganib na gumuho at mag-unahan gumulong pababa ang mga lupa.

Napalingon ako sa kabilang pisngi ng bundok, nakita ko ang bakas ng pinagkuhaan namin ng cogon. Buhaghag ang lupa. Ito naman ang nagsisimulang maagnas.... aaaaahhhh.

http://caramoan-kanvar.blogspot.com

Thursday, September 27, 2007

Isang pagpupugay kay DR. JOSE L. TABAGO, PhD Agricultural Engineering, Oklahoma State University, 1983

Nais kong isalaysay ang ilang natatanging kabanata, bilang mag-aaral ng CLSU, tumutukoy sa panahon at asignatura na BS Agricultural Engineering - Batch 1985.

Sa aming ika-lima at huling baitang sa kolehiyo, araling taon 1984-85, unang pagkakataon naming nakilala si Dr. Jose L. Tabago, na noon ay sariwang-sariwa pa galing sa katatapos na pagpapakadalubhasa sa Oklahoma State University.

Hindi ako maaring magkamali sa ngalan ng bansang pinanggalingan nya, dahil iyon ay tunog kowboy, na agad kong inihambing sa impluensiya ng kanyang pananamit at tindig, na siyang tumambad na kawangis niya nung unang araw ng oryentasyon sa klase, kung saan siya ang aming magiging guro sa Soil and Water Conservaton Engineering. Matipuno at tuwid ang kanyang tindig, naka-pailalim ang pang-itaas na damit, nakasinturon na may malaking bakal, lumalagatak ang takong ng sapatos na katad na parang bota. Minsan nagsusuot din ng sombrero tulad nung sa mamang nakasakay sa kabayo habang humihitit ng sigarilyong Marlboro. Hindi ba’t ganyan ang dating ng magiting na kowboy?

At saka noon, pag napupunta ako ng Maynila, nadadaanan ko sa Taft Avenue ang mga sikat na lugar na kumukuti-kutitap sa gabi, may malalaking pangalan na Oklahoma, Arizona at Dakota. Ewan ko ba, basta nun ipakilala nya ang kanyang sarili at pinanggalingan na Oklahoma, biglang lumipad isip ko sa isa pang Oklahoma na nasa Taft nga.

Pero hayaan muna natin ang usaping kowboy na yan at di naman talaga yan ang pakay ng aking salaysay. Nais ko lang bigyan daan ang aking sariling opinyon, na sabihin ang mga bagay na nasilip ko ng mga panahong yun na may kaugnayan sa: kabutihan, kagalingan, kasipagan, at kadakilaan ni Dr. Jose L. Tabago.

Si Dr. Jose L. Tabago ang nagdala ng kauna-unahang kompyuter sa College of Engineering.

Si Dr. Jose L. Tabago ang nagmulat sa Batch namin ng tuwirang pagkilos para sa pangangalaga ng kalikasan.

Ngayun, i-isa-isahin ko na kung bakit at papano nangyari:

Sa panahong 1984, wala pa masyado sa kamalayan ng mga mag-aaral ng CLSU ang tungkol sa personal computer. Si Dr. J.L. Tabago, bitbit ang dating gamit na kompyuter sa OSU, o sige, Oklahoma State University na nga. Buong giting na ipinagmamalaki niya sa harap ng buong klase ang kagilagilalas na kapangyariyan ng kanyang komputer sa bilis mag proseso ng mga letra at numero. Isinalarawan ni Doc na sa pamamagitan ng diskit ng komputer, maitatago mo dun ang maraming aralin na kung susulatin ay katumbas ng isang baol na papel na kaybigat bit-bitin. Nagbabala pa siya na ingatan ang diskit dahil puedeng nakawin ang mga datus sa loob nito sa pamamagitan ng pagsipi sa isa pang diskit sa ilang pindutan lang.

Napapanganga kami lahat. Ang hawak lang naming kompyuter ng panahong iyon ay casio calculator. Feeling nga namin mas hi-tech na panahon namin kumpara sa mga alumni na naging mga instructor na rin namin. Sila yun mga nagsipaggamit pa ng sliding rule, at itago na lang natin sila sa mga pangalang, Dr. Ireneo at Melissa Agulto, JV dela Cruz, Romeo Gavino, Nestor Candelaria, Arman Espino, Tito Aguinaldo, Ed Cayabyab, Francis Cuaresma, Benjie Gargabite, Emmanuel Sicat, James Mata, at Theody Sayco.

Isang hapon, tumatagaktak ng alinsangan sa tindi ng init ng araw, napatapat ako sa engineering faculty room, natanaw mula sa kinatatayuan ko, isang sulok sa gawi pa roon, may isang munting silid, aba!, naka air-conditioned na pala ito, nasa gitna ng ibabaw ng lamesa nakaupo ang kamangha-manghang CPU na may sukat, humigit kumulang, sa taas na 5, lapad 15, haba 17 na pulgadas, kung saan, nakapatong din ang Monitor na nakasindi, at tila nagliliyab ang mga letrang kulay luntian sa background na itim. Naisip ko, talagang napakaselan ng kalagayan ng kompyuter na ito na nagmula pa sa OSU. Kailangan pala ang malamig na kapaligiran habang gumagana ito.

Paglampas ko sa Faculty room, napatapat naman ako sa Drawing Room kung saan mas malamang na makita mo si Prof. Avelino Reyes. Sa gitna ng kanyang klase, nagtama ang sulok ng mga mata namin ng roomate kong ilocano, tumatagaktak sa pawis, sumenyas pa sakin ang nguso, “napudot!“.

Kinaumagahan, muling nasulyapan ko ang mahiwagang kompyuter. Nakapatay ang aircon, nakapatay din ang kompyuter. Pero, nakatalukbong ang kompyuter. Parang nanibugho ang pakiramdam ko. Naalala ko tuloy ang nakaraang gabi, kung saan napuyat ako ng husto, di makatulog dahil sa pesteng lamok. Ala kasi akong talokbong, este, kulambo.

Ibinida pa ni Dr. J.L. Tabago, gusto daw i-trade-in nung kumpare nya yung stainless jeep nito, kapalit ng kompyuter nya. No deal! Hindi man lang sya natinag o nasilaw sa stainless Jeep na sikat na sikat noon. Parang kulang nalang magpalatak si Doc ng salitang: “ano ko bale?“ , pero wala yan sa lengguahe o karakter ni Doc. Isa siyang kapitag-pitagang personalidad.

Nung panahong iyon ay wala pang computer subject, subalit, si Dr. J. L. Tabago ay nagpasimuno sa pagmumulat sa mag-aaral ng usaping kompyuter. Makalipas ang ilang buwan, dumating ang maraming kompyuter sa CLSU para gamitin ng Cashier’s Office. Naalala kong dinala niya kami doon sa gusaling administrasyon at pina-pindot ng tigkakapiranggot.

Mataas ang moral namin sa bagong karanasan, kung kaya’t nagtatag agad kami ng samahan ng mga mag-aaral na nais mabansagang makabago at makakompyuter ang adhikain. Tinawag namin ang samahan na “Bits & Bytes Club“. Ang unang pangulo namin ay si Noel Bigyan at ako yata yung pangalawang pangulo. Siyempre pa, si Dr. J. L. Tabago ang kauna-unahang Taga-Payo. Kagulat-gulat ang dami ng aplikante noon. Sa isang iglap, talo pa namin sa dami ng miyembro ang ibang samahang Frat na halos kalahating dekada nang nananatili sa loob ng CLSU. Ang pagkaka-alam ko, buhay pa ang Bits & Bytes Club sa CLSU. Ang hindi nila alam, buhay pa rin kami na nagsipagtatag nun.

Ngayun ko napagmuni-muni, ang laki na ng agwat ng uri ng kompyuter noon at ngayun.

Palagay ko nga, baka ang ninunong kompyuter na yun, di pa makapagpatakbo ng maayos sa spreadsheet program na supercalc or multiplan. Ha ha ha ha ha! Nagagamit lang yata yun sa Wordstar. Ha ha ha ha ha! Ang motherboard nun nasa kilobyte pa lang ang memory. Ha ha ha ha ha!

Ang mga halakhak na yan ay hindi isang panunuya, bagkos ay diwang aliw na aliw sa abang simulain ng kompyuter sa CLSU. Hindi man lang nabawasan ang pagkilala ko sa dakilang simulain na sinindihan ni Dr. Jose L. Tabago. Sa ganang akin, hindi mahalaga kung sino ang naka-imbento ng mag-wheels. Higit na may pabuya ang nakatuklas ng paggamit ng gulong. Ngayon, ang kamalayan ng mga taga CLSU sa kompyuter ay higit nang naglalagablab.

Susunod… ang pagiging makakalikasan ni Dr. J. L. Tabago. Abangan.

http://caramoan-kanvar.blogspot.com