Halos taon-taon nin aldaw na Fiesta kan Pena de Francia nakaka-bisita ako sa Naga, alagad dai man nin panuga ta bako man ngani na deboto kan nasabing Patron.
Sunday, September 28, 2008
Penafrancia 2008
Posted by
Jack the Majic Dragon
at
1:53 AM
0
comments
Sunday, September 14, 2008
Muling Sabak sa Gawain ng GK
Paparating pa lang ako ay iniisip ko na kung ano kaya ang daratnan kong trabaho na angkop sakin. Kaya't nung abot tanaw ko na ang project site, napansin ko agad na wala na ang gawain ng pagpapatag, tulad nung gawain nung nakaraang linggo, ang pinakasimpleng pagkilos na di-nangangailangan ng pulso at kasanayan. Napabuntonghininga ako, nangingibabaw kasi sakin ang pagkakaroon ng kaba sa sarili na baka makita ang kahinaan ko kung mapapasabak sa iba pang uri ng trabaho, tulad ng pagpapanday, pagpapalitada, o pag operate ng concrete mixer.
Sa una, tantiyahan muna. Nakita ko ang sunong-sunong na isang bag ng semento ng isang binata, saglit na ibinaba para badbarin ang bunganga na selyado ng matabang sinulid, kapagdaka'y, muling inalsa at isinalampak sa nakangangang makinaryang patuloy na gumigiling. Ah, ayaw kong humawak ng semento, turan ko sa loob-loob ko. Bukod sa malayo ang pinanggagalingang bodega, nangingilo ako na madaiti ang palad sa pinong-pino na hilatsa ng semento, kita ko rin ang umaalimbukay na alikabok nito.
Pinag-aralan ko rin ang gawain ng mga tagasubo ng buhangin at graba sa makinang gumigiling. Magkatuwang na isinasadlak ang gawa sa kahoy na kuwadradong takalan na may dalawang pares na hawakan. Puno ng buhangin at graba, sunod-sunod ang hakot hanggang masapat ang tamang bilang ng proporsyon. Puede ko na rin sanang sabakan ang gawaing ito, pero kabado ako na baka ilang alsahan lang, sumuko ang lakas ko, nakakahiya naman.
Kasalukuyan kasi na nagbubuhos na sa pangalawang palapag, kaya walang humpay at sabay-sabay ang kilos. Dun ko nakita ang helira ng pasa-pasang abutan ng timba na me laman ng hinalong semento, buhangin at graba. Agad akong sumingit at pinili ko ang mataas na posisyon. Tila totoo nga ang kasabihang mas magaan ang trabaho ng isang may mataas na posisyon. Sa ganang akin, nasa ika-lawang palapag ako, isang dakilang tiga-abot ng timba na wala nang laman, ipinapasa pabalik sa ibaba para lamnan muli ng semento.
Gusto kong ipagtapat, masama talaga ang me sobrang talino pag ginamit ng palso. Katusuhan ang nagawa ko. Inaamin ng sulok ng isip ko.
Naubos ang hinalong semento, pansamantalang natigil ang rutina. Natural, bumaba na rin ako sa puesto. Tamang-tama, bumatingting, halos magkapanabay na naulinigan ko ang katagang "hay salamat!" mula sa bibig ng mga hapung-hapong mga manggagawa.
Sa pagkatapos ng breaktime, nanatili ang lahat sa mababang posisyon. Kailangang maghalong muli ng semento. Eh, tumagas ang gasolina sa karburador ng Honda na makina ng mixer, di na mapaandar ang makina, kaya obligadong mag manu-manong haluan.
1-2-4 ang timpla. Sampung semento, 20 buhangin at 40 graba ang binuno namin. Di na ako nakabalik sa dating mataas na posisyon. Tiga-pala ngayun ang toka ko. Sa ganung kalagayan, naalala ko tuloy ang katutubong awiting "magtanim ay di biro ..." Mas masahol pa ang kalagayan kong palaging nakayukod sa pagpapala na tila may mabigat na tanikalang bola pa na nakagapos sa aking mga kamay. Pakiramdam ko mabilis akong ma "low bat", medyo "chappy' na rin ang dating ng gumagaralgal kong tinig. Sa tindi ng init ng araw sa mataas na katanghalian, nanginginig na ang aking kalamnan na akala ko parehas na ang pamamanhid na dulot ng matinding init at lamig.
Gamit na gamit ang aking dalawang braso, puersado rin ang aking mga binti sa labu-labong haluan. Natuklasan ko na ang aking hawak na pala, ay isang maaasahang tungkod din pala. Namalayan ko rin na madalas kong magamit ang aking puwet sa gitna ng umaatikabong haluan. Manaka-naka akong tumatabi para ihanap ang aking puwet ng mauupuan. Napansin ko na di na rin namimili ng malambot na upuan. Sumisilong din ako sa ilalim ng gula-gulanit na lilim. Ganun pala, makakalimutan mo ang luho ng katawan kapag wala ka nang mapagpipilian.
Mahirap talagang makatagal sa pagod, at natutunan ko din, mahirap ding makatagal sa "hiya", sa isiping sobra na yata ang aking pahinga, kaya pilit kong bumabalik sa aksyon.
Nangalahating araw na naman ako, at sa paalaman, nakadaupang palad ko ang ilang manggagawa. Nakapa ko ang magagaspang nilang palad, nakaramdam ako ng pagkapahiya sa sarili. Isang "badge of honor" pang maituturing para sakin ang kanilang kalyuhing palad. Ngunit linilinaw ko, hindi lahat ng kalyo ay katangi-tangi, meron din ako nyan, wala lang sa lugar, nasa likod ko.
Pero teka, bakit ba ako napadpad sa Gawaing ito, at puro naman hirap ng katawan ang litanya ko? Di ko rin sigurado kung ano ang nakalaan para sakin. Marahil ay nasa panahon ako ng pagtuklas. Me nagturo sakin, ipagkatiwala ko daw ang buhay ko sa Maykapal. Matagal ko nang naririnig ang ganyang pang-aakit sa aking ispiritualidad nung nasa koliheyo pa lamang ako, pero di tumimo saking puso. Nitong huli lang, naramdaman ko ang kapayapaan at kapanatagan ng loob, nung sandaling napag-aralan at natanggap ko, ang mga aral ng aklat na "Purpose Driven Life" ni Rick Warren.
Ngayun, hindi na ako takot sa "End of the World" dahil sa bagong pananalig at pagkamulat. Isa na lang ang kinakatakutan ko, tuwing "End of the Month" sa dami ng dapat pondohan at bayarin.
Posted by
Jack the Majic Dragon
at
4:50 AM
3
comments
Thursday, September 11, 2008
Ang Unang Araw Ko Sa GK
Gusto kong itala ang araw ng Setyembre 7, 2008, bilang unang araw ng pagyapak ko sa loob ng komunidad ng matagal ko nang naririnig at namamasdan lamang, ang Gawad Kalinga.
At pinasasalamatan ko ang mga kaibigang Tanny Valencia, aking kabayan, sa pagtapik at kay Amang Roxas, ng Cauayan, Isabela, sa pag-udyok sa akin na kumilos na at tuwirang makilahok sa Gawain.
Dumating ako sa isang pook na kasalukuyang tinatayuan ng helira ng kabahayan at itinala ang aking pangalan bilang laborer, alas
Kumuha ng pala at nakihalubilo na sa karamihang mga babae at ilang lalaki sa pagpapatag ng tinambak na lupa. Sa unang mga sigwada ay masigla ang bawat kadyot ng pala at kalaunan ay pahinto-hinto na.
Habang nasa kasagsagan ng pagbabanat ng buto, at sa manaka-nakang pag-unat ng katawan para mamunas ng pawis, lumilipad ang aking isipan sa maraming angulo ng pagmumuni-muni sa katotohanan at kabalintunaan ng aking buhay.
Una, na under-estimate ko ang gawain, ni hindi ako nagdala ng tuwalyeta o bihisan man lamang, pano, akala ko, pa-bandying-bandying lang ang gawain. Ginawa kong pamunas ang laylayan ng aking t-shirt, ang magkabilang manggas at hanggang halos pigain ko habang nakasuot ang t-shirt na mugmog na sa tagaktak ng pawis.
Matagal nang panahon pala na di ko na naranasan ang ganong pagpapagal ng katawan, ang marumihan ng lupa ang mga kamay at ang halos umaagos na pagpatak ng pawis. Naka-inom na ako ng halos apat na basong tubig, ngunit di man lang ako makaramdam ng pag-iihi. Maganda nga ang nangyari, naitulak palabas ang mga toxins sa katawan ko sa pamamagitan ng pagpapawis.
Nang mga oras na yon ay napagtanto ko na sa pagkakataong hubad din ako, ay higit na angat pa sa akin ang higit na maralitang tao. Tanging kakarampot na lakas lang ang napapakinabangan sakin, at kapos pa nga dahil nakikita kung higit na maliksi at masigasig pa ang ilang kababaihan, isang paalala nang di mapasubaliang katotohanan, na tumantanda na rin tayo. At wala rin garantiyang itatagal ang aking maninipis na palad. Naninibago talaga na dati’y ballpen ang hawak, ngayun ay pala at piko, katumbas ng tila dalampung ballpen na sabay-sabay na hahawakan.
Tumunog ang batingting. hudyat ng recess. Sa saglit na oras na ito, sumingit ang pagpupulong at nakinig ako sa tinatawag na values formation. Naramdaman ko rin ang mabubuting layunin at pagmamalasakit na itinatanim sa puso ng mga tao.
Sa pagbabalik puesto, tila bumigat na ang pakiramdam ko sa pagkakahawak ko sa bitbit na pala. Maigting na lalo ang sikat ng araw. Pala dito, pala dun, pala, pala, pala at palinga-linga na rin sa orasan. Parang gusto ko nang pihitin ang isang daliri ng orasan at itapat sa alas dose. Tuluyan na ngang sumuko ang aking lakas, dyes minutos bago mag- tigil trabaho sa pananghalian.
Nag time-out na ako. Half day lang ang puntos ng aking pagpapapatak ng pawis. Sa maaga kong pag retiro, hindi nangangahulugan ng pagtatapos ng aking karanasan sa gawain ng Gawad Kalinga. Alam ko, babalik ako sa bawat magandang pagkakataon para mag-alay ng pawis.
Pagdating sa bahay, lupaypay akong sumadlak sa sofa. Di ko na nagawang tanggalin ang trentas ng aking putikang gomang sapatos. Pinahila ko na lang ito sa aking esposa. Lupaypay man ang katawan, ngunit nag-uumalab naman ang aking maliit na kaligayahang natuklasan at sumibol sa puso. Napakasarap ng pakiramdam maging isang payak na katauhan sa gitna ng naghihikahos na lipunan. Isang pagpapala sa walang nakakakilala (blessed anonymity) ang aking naramdaman. Di na rin nagkakalayo sa pakiramdam ng isang pananagumpay. Kung ganun naman pala, bakit ko pa hahabulin ang tagumpay sa pamamagitan ng pagkamit ng kapangyarihan (power), katanyagan (fame) at kayamanan (fortune), kung magiging kumplikadong higit ang aking buhay?
Posted by
Jack the Majic Dragon
at
12:33 AM
0
comments